MAYNILA, Pilipinas – Nakatatanggap umano ng banta sa kanilang buhay ang pamilya ng magkapatid na Rosales na magkasunod na pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Makati City, mahigit tatlong buwan lang ang pagitan.
Matatandaang unang pinaslang ang 28-anyos na si Lauren Kristel Rosales noong Hulyo 21 habang nakasakay sa loob ng isang dyipni sa may panulukan ng JP Rizal Avenue at N. Garcia Street. Matapos ang ilang linggong imbestigasyon, wala pa ring makuhang lead o motibo ang mga awtoridad sa kaniyang pagkamatay.
Si Lauren ay binaril ng tatlong beses sa likod ng ‘di-nakikilalang suspek, habang si Petronio o JR ay sa mukha naman binaril; indikasyon na walang balak na buhayin ang sinuman sa magkapatid,
Sa panayam ng GMA News kay Senior Insp. Ronald Saquilayan ng Makati City Police, nakatanggap na umano ng mga ‘death threat’ ang pamilya Rosales matapos ang pagkamatay ni Lauren noong Hulyo.
Marami din ang naging haka-haka sa pagkamatay ni Lauren, kasama na ang posibilidad na may kinalaman umano ito sa droga; bagay na mahigpit na pinabulaanan ng pamilya na nagsabing kailanman ay hindi gumamit ng droga ang biktima.
Ang iba naman ay nagsasabing biktima ng ‘mistaken identity’ ang babae.
Ayon kay Saquilayan, nakikipagtulungan umano sa kanila ang kapatid na lalaki upang malutas ang kaso.
“Allegedly kasi may certain hacker na interesadong buksan ‘yung FB (Facebook) account nitong Kristel, base na rin ‘to sa kapatid niya na namatay nung October 26. Binigyan tayo ng information regarding dun na meron daw gustong magbukas nung account niya,” kuwento ng opisyal.
Marami na rin umanong anggulong tiningnan ang mga imbestigador upang magkaroon ng lead sa kaso ni Lauren. Ilan dito ay love triangle, away sa trabaho at maging agawan umano sa mga ari-arian, kung meron man.
Hanggang ngayon, kung saan dalawang buhay na ng magkapatid ang nabuwis, nananatili pa ring palaisipan at misteryo ang pagkakapatay kina Lauren at JR.
Source: Definitely Filipino

0 comments: